Lady Blazers tatapusin na ang Lady Knights

Isang hakbang na lang ang Lady Blazers sa asam na three-peat matapos nilang kalusin ang Lady Knights sa Game 1, 25-21, 25-15, 25-14.

MANILA, Philippines —  Magsasanib puwersa sina College of Saint Benilde spikers Michelle Gamit, Gayle Pascual at Zamantha Nolasco upang tapusin ang Letran Lady Knights sa Game 2 best-of-three finals ng NCAA Season 99 women’s volleyball na lalaruin sa Filoil EcoOil Arena, San Juan ngayong araw.

Isang hakbang na lang ang Lady Blazers sa asam na three-peat matapos nilang kalusin ang Lady Knights sa Game 1, 25-21, 25-15, 25-14.

Magsisimula ang pa­luan ng bola sa alas-2 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Perpetual Help Altas Spi­kers at Emilio Aguinaldo College Generals sa men’s division sa alas-11:30 ng umaga.

Ipinakita nina Gamit, Pascual at Nolasco ang kanilang tikas ng pamu­nuan nila ang opensa para sa Taft-based squad kaya nawalis nila ang Letran Lady Knights.

Subalit para kay head coach Jerry Yee ay hindi pa tapos ang laban, wala sa kukote nila ang mag kumpiyansa dahil may isang laro pa silang dapat paghandaan.

“Basta may isang game pa. Trabaho pa rin. Pwedeng manalo doon or pwedeng magka-problema so kailangang ayusin lahat,” ani Yee.

Show comments