Hiroshima kumapit pa sa No. 5 spot

MANILA, Philippines — Nagbuhol ng panibagong winning streak sa Japan B. League ang Hiroshima Dragonflies ni Kai Sotto matapos tambakan ang Toyama Grouses, 94-77, sa sariling homecourt nito sa Kurobe City Sports Center kahapon.

Sakay ng 81-70 ta­gum­pay kamakalawa, umulit ang Dragonflies sa mas malaking panalo upang makumpleto ang weekend road sweep sa solidong ambag ng 7-foot-3 Filipino sensation.

Tumabo ng 10 puntos, 6 rebounds at 1 tapal si Sotto sa 17 minutong aksyon lang para sa magandang follow-up matapos ang kumpletong performance na 4 points, 9 rebounds, 6 assist, 1 steal at 3 blocks sa nakaraang laban.

Sa tulong ng 20-anyos na Pinoy pride ay lalong napatibay ng Hiroshima ang hawak sa ika-5 puwesto sa 33-12 kartada.

Nakalayo rin nang bahagya ang Dragonflies sa bumubuntot na Nagoya Diamond Dolphins ng kababayang si Ray Parks Jr. hawak ang 32-13 kartada para sa Top-5 finish papasok sa playoffs.

Ito na ang ikaapat na panalo ni Sotto sa anim na salang sa Hiroshima tampok ang three-game winning streak noong nakaraang linggo bago maputol ng karibal sa standings na Nagoya, 90-88.

Show comments