MANILA, Philippines - December 16, 2013, nagulantang ang lahat nang ibalita ang isang malagim na trahedya sa kalsada na ikinamatay ng 22 katao at ikasugat ng 20, matapos mahulog ang isang pampasaherong bus mula sa Skyway.
Dalawang taon ang nakakalipas, tatlo sa mga biktima ng trahedya ang buong tapang na nagbahagi ng kani-kanilang kuwento ng bagong buhay, simula at pag-asa.
Bago pa lamang si Ryan sa kanyang trabaho. Panganay siya sa limang magkakapatid at patuloy na tumutulong sa kanyang pamilya kaya madalas niyang maging problema ang pagbabalanse ng oras sa trabaho, pamilya at sa kasintahang si Merced.
Si Gilbert naman ay isang asawang nagkamali ng landas, iniwan ang pamilya at nakisama sa ibang babae. Nagbalik si Gilbert at muling tinanggap ng kanyang asawa na si Judith.
Pilit kinalimutan ni Gilbert ang mistress na si Dina, pero patuloy pa rin nitong ipinipilit ang sarili kay Gilbert.
Hanggang sa malaman ito ni Judith at pagmulan ng malaking away nilang dalawa, na muntik nang umabot sa muling paghihiwalay.
Habang si Lita naman– isang masipag na asawa na malapit nang magretiro sa tailoring company na kanyang pinagtatrabahuhan.
Sa loob ng halos labintatlong taon, hindi inisip ni Lita ang layo ng araw-araw na pagbiyahe papasok ng trabaho, dahil alam niyang sa huli ay makukuha niya ang pinaghirapang pension at retirement pay na makakatulong sa pagpapagamot sa kanyang may sakit na asawa.
Matapos magkrus ang landas ng tatlo sa malagim na trahedya, ano ang dalang pagbabago nito sa kani-kanilang mga buhay? Sa pangalawang buhay na ibinigay sa kanila, matutupad na ba nila at makakamit ang mga hiling para sa kanilang pamilya?
Abangan sina Chanda Romero, LJ Reyes, Joyce Ching, Pancho Magno, Jeric Gonzales, Bing Davao, Marnie Lapuz at Rexcy Evert, sa isang kuwento ng kalunos-lunos na trahedya na magdadala sa kanila sa bagong simula.
Ang Bingit ng Buhay: The Skyway Bus Tragedy ay mapapanood sa Magpakailanman sa GMA 7 sa ilalim ng direksyon ni Neal Del Rosario.