(Huling bahagi)
“Ikaw ang nanggugulpi ng asawa! Hindi ako!” sabi ni Baron.
“Ah ganun ba? Bakit nanghihingi ng tulong ang hipag mo kung ‘di ka nanggugulpi?” pambabara ni Sanny.
Nung Lunes naisulat namin ang kasuhan sa pagitan nila Roberto “Baron” J. Dela Cruz at Sanny Vicedo na umabot na sa 13 taon.
Nagkausap ang dalawa sa radyo. Inere namin ang panig nitong si Sanny, phinone patched naman namin si Baron.
Tinanong namin si Baron kung totoo bang may talim talaga ang pait na ginamit niya panaksak.
Pinabulaanan naman ito ni Baron. Nakalas daw ang talim ng pait bago pa niya ito maisaksak kay Sanny.
“Siya nga itong may baril eh!” sabi ni Baron.
“Kung ako may baril bakit ka pa sumugod?” tanong ni Sanny.
Paliwanag ni Baron pinagtanggol niya lang ang kanyang mga anak na noo’y mga bata pa.
Bumanat naman itong si Sanny, “Anu? magaling ka talaga gumawa ng istorya. Pati nga tingga ng baril na pinakita mo hindi totoo. Sabi mo tumama sa pader pero wala man lang gasgas ang tingga? Tapus sumunod na hearing nagdala ka ng tingga na medyo nayupi na. Sa mesa naman tumama ang sinabi mo.”
Hindi naman nagpaawat si Baron siniwalat niya sa radyo ang umano’y ginagawa ni Sanny sa kanyang dating asawa, “Naku po! Eh yung unang asawa niya ngang galing Japan pinagsasayaw niya ng hubot hubad sa harap ng barkada niya…”
Pangisi-ngisi si Sanny pero alam mong naiinsulto siya sa mga sinasabi nitong si Baron. “Eh, pwede ka palang script writer eh!”, depensa nito.
Ayon kay Baron, lasenggo si Sanny. Lasing umano siya nung panahong sugurin siya nito sa bahay. May dala daw na trentay otso (.38 caliber) si Sanny at tinatago lang umano niya ito.
Mabilis naming tinanong si Sanny kung tungkol dito. Sinabi naming ipapa-check namin sa Fire Arms and Explosive Division kung may baril na nakarehistro sa kanya.
Matigas namang sinabi ni Sanny na wala siyang baril.
“Paltik po ang mga baril niyan. Daig pa po nyan ang pulis kapag lasing. Nakasukbit ang baril sa kanya! Napaka- yabang nyan!” pahayag ni Baron.
Hindi naayos ang tensyon sa pagitan ng dalawa. Minabuti ni Baron na pumuntang muli sa aming tanggapan upang pabulaanan lahat ng akusasyon sa kanya.
Ika-10 ng Enero bumalik sa aming tanggapan ang mag-asawang Baron at Celia. Sa pagkakataong ito si Celia naman ang aming kinausap. Tinanong namin kung may masasabi siya sa mga pahayag ni Sanny.
Ayon kay Celia, nagsasagutan lang sila ng pumasok si Sanny. Sinabihan niya na raw si Sanny na huwag makialam sa kanila. Inere namin sa radyo si Celia. Tinawagan naman namin si Sanny para marinig ang panig ng mag-asawa.
Ayon sa kanya tahimik na ang kanyang asawa. Siya ang nanuntok sa kanyang mister at hindi totoong siya ang sinaktan.
Nagpatuloy pa rin si Sanny at pinalo ng baril sa bibig si Baron. Nagulat na lang si Baron ng bumuga siya ng dugo. Nagpapaputok rin daw ito ng baril.
Sagot naman ni Sanny, “Hindi naman ako pupunta run kung wala akong narinig na humihingi ng saklolo. Sakal niya sa leeg ang asawa niya. Mayabang talaga yang Baron na yan! Saan ka ba nakakita pati misis niya pinag-iigib pa niya ng tubig. Buhat ang mabibigat na balde?”
“Eh ganun ako kamahal ng asawa ko eh! Ikaw nga papupuntahin ka ng nga ng asawa mo sa Japan para matigil ang pangbabae mo. Nung nakaraang gabi nga ang dami mong dinalang Japayuki dyan!” depensa ni Baron.
Dagdag pa rito, magpapatayo rin umano ng beer house si Sanny sa bahay nila ng walang man lang ‘business permit’.
Para matapos ang bangayan ng dalawa sa radyo tinanong namin sila kung maari pa ba silang magkaayos. Labing tatlong (13) taon na rin ang tinagal ng kasong ito at pareho na silang naabala.
Una na naming tinanong si Sanny kung handa siyang iurong ang kaso, mabilis naman siyang sumagot na depende naman yun sa pag-uusap nila ni Baron.
Tahasan namang sinabi ng mag-asawa na gusto na nilang makipag-areglo kay Sanny para pare-pareho na silang matahimik.
“Gusto ko nang matapos lahat ng ito. Labing tatlong taon na rin kaming nagkakasuhan,” pahayag ni Baron.
Sa ngayon nakatakda silang magharap sa Branch 18 ng Korte sa Tagaytay ngayong darating na Hunyo. Ang nais ng magkabilang panig ay maayos na ito ng hindi na mapunta pa sa mas mahabang usapin.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang layon namin ay matuldukan na sana ang away nila. Hindi sila iba sa isa’t isa, may relasyon ang kanilang pamilya at iisang lugar ang kanilang ginagalawan.
Kadalasan mas malaki ang galit mo sa isang dating kaibigan kaysa isang tao na hindi mo kilala dahil kahit paano parang natraydor ang inyong pinagsamahan.
Mag isip-isip naman kayo dyan. Madaling makipag-away subalit mas mainam na pahalagahan ang tunay na pagkakaibigan. Maaring nagkagastos kayo sa mga kagaguhan na ginagawa niyo sa isa’t isa, nadehado kayo o naagrabiyado subalit kapag inyong sinuma total mas pabor para sa inyo na magtigil putukan… tigil putakan. Mag-ayos na lang kayo (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.