Tuwing eleksiyon lumalahok sa voter education ang iba pang mga samahang Katoliko. Naglalabas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines ng pamantayan ng mga kandidatong pambansa, at nagku-quick count ang ilang watchdog groups sa Visayas at Mindanao.
Sa dami ng aktibidad ng mga samahang Katoliko mula nung 1986 snap presidential election, nakapagtataka na tila walang pinagbago ang mga botante. Sa halos sampung pambansang halalan, iniluluklok pa rin ng mga mayoryang Katolikong botante ang mga di kanais-nais na Presidente, Vice, senador, congressman, gobernador, meyor, etc. Ito ang traditional politicians at kaanak nila na tiwali, babaero, lasenggo, sugarol, abusado at mapagsamantala.
Dapat baguhin ng mga obispo at samahang Katoliko ang estratehiya nila. Imbis na sa botante sila nakatuon, sa kandidato naman. Imbis na ituro sa mamamayan ang mapagsuring pagpili, puntiryahin kaya nila ang mga salbaheng kandidato.
Ilantad nila kung sino sa mga kandidato ang pinopondohan ng perang jueteng o droga. Alam ito ng parish priests dahil nakalubog sila sa masa. Bistuhin na rin kung sino ang mga may querida at masamang ugali, namimili ng boto at nandaraya sa bilangan.
Pagkaitan na rin dapat ng Penance at Communion ang mga tiwaling opisyal. Masama ang epekto ng dalawang Sacraments sa kanila. Sa isip nila, kapag naikumpisal na ang kalokohan, at sinundan pa ng Komunyon, malinis na sila. Saka sila uulit ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagkatapos ay muling magkukumpisal at Komunyon. Ayos!