Bago pa man naupo bilang Presidente noong January 2001, nalalaman na niya ang mga balakid na kakaharapin. Hindi na bago sa kanya ang masalimuot na mundo ng pulitika. Nalalaman niya na sa pag-upo bilang Presidente, tiyak na marami siyang aayusin. Nalalaman niyang hindi biro ang mga suliraning kahaharapin. At sa kabila ng mga ga-bundok na problema, matapang niyang sinuong ang lahat. Ang mahusay na pamamahala at seryosong pagtatrabaho ang magiging susi para matamo ang kaunlaran ng bansang nakalugmok sa dusa at hirap.
Unang sigwa na kanyang hinarap ay nang lumusob ang mga loyalista ni dating President Joseph Estrada sa Malacañang noong May 1, 2001. Nayanig ang Palasyo sa kaguluhan. May mga namatay at marami ang nasugatan.
Nalampasan ang unang sigwa subalit mas marami ang sumunod pa. Mas nakayayanig na mga batikos mula sa mga kalaban sa pulitika. Ang kanyang mga balak para maging maunlad ang bansa at makabangon sa pagkakadapa ay inuulan ng maaanghang na salita. Ayaw siyang magtagumpay.
Habang papalapit ang 2004 Presidential elections ay painit nang painit ang isyu sa pulitika. Nagbabatuhan na ng mabahong putik. Nayayanig ang bansa. At gaano pa ang pagyanig kung malapit na ang 2004? Tiyak na magkakaroon ng pagkakahati-hati at pagkakawatak-watak. At ito marahil ang ayaw mangyari ng Presidente. Kamakalawa, sa pagkabigla ng kanyang mga kaalyado at mga kalaban sa pulitika, inihayag niyang hindi na tatakbo sa 2004 election.
Ang pahayag ng Presidente ay umani ng papuri at maski ang ilan sa kanyang mga kalaban sa pulitika ay tinanggap nang may ngiti ang kanyang desisyon. Mayroong duda sa kanyang ipinahayag, subalit sinabi niya na kailangan siyang magsakripisyo. Ibig niyang sumulong at umunlad ang bansa.
Sa pahayag ng Presidente, nagkakaroon ng liwanag ang pangarap niyang matatag na republika ang Pilipinas. Pangarap mula sa isang mabuting Presidente.