Nadakip ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang pekeng pulis na umano’y nangongotong sa mga motorista, kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakilala ang suspect na si Joselito Rosuello, alyas Joey, 45, binata, ng Villa Luisa Subd., Bagumbong, Caloocan City. Na katakda itong sampahan ng kasong usurpation of authority at paglabag sa City Ordinance Section 864-C (concealing bladed weapon).
Batay sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-9:40 ng umaga sa kahabaan ng Laguna St., malapit sa Rizal Avenue Sta. Cruz, Maynila habang ang suspek ay naninita ng mga motoristang dumaraan dito.
Napansin umano nina PO2 Jesus Balisi, PO2 Christopher Magabilin at PO2 Domingo Dumancil habang nagpapatrulya ang mga ito na hindi tama ang unipormeng suot ng suspek kung kaya’t sinita ng mga ito ang huli. Nang sitahin ay ipinakita umano ng suspek ang kanyang police-Caloocan ID ngunit nang papakawalan na umano ng mga nasabing pulis ang suspek ay napansin ng mga ito na may dala itong motorsiklo at nang inspeksiyunin ay may nakita sa compartment nito na mga matatalas na bagay tulad ng improvised screw driver at kutsilyo.
Bunsod nito’y mabilis na isinama ng mga nasabing pulis ang suspek sa MPD-Station 3 at nang isailalim sa interogasyon ay nadiskubreng pekeng pulis ito na umano’y inirereklamo ng maraming motorista dahil sa ginagawang pangongotong. (Grace dela Cruz)