CSB, Perpetual iuuwi na ang NCAA crown

Pakay ng Taft-based squad na tapusin ang Letran Lady Knights sa Game 2 best-of-three finals ng NCAA Season 99 women’s volleyball na lalaruin sa Filoil EcoOil Arena, San Juan ngayong araw.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang malutong na palo na lang at makakamit na ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang inaasam na three-peat.

Pakay ng Taft-based squad na tapusin ang Letran Lady Knights sa Game 2 best-of-three finals ng NCAA Season 99 women’s volleyball na lalaruin sa Filoil EcoOil Arena, San Juan ngayong araw.

Namumuro ang Lady Blazers sa pagsilo ng korona matapos nilang kaldagin ang Lady Knights sa Game 1, 25-21, 25-15, 25-14 noong nakaraang Linggo sa parehong lugar.

Magsisimula ang paluan ng bola sa alas-2 ng hapon, pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Perpetual Help Altas Spi­kers at Emilio Aguinaldo College Generals sa men’s division sa alas-11:30 ng umaga.

At para masiguro ang panalo ay kailangan mag doble kayod pa ang mga panargo ni CSB head coach Jerry Yee na sina Michelle Gamit, Gayle Pascual at Zamantha Nolasco.

“Basta may isang game pa. Trabaho pa rin. Pwedeng manalo doon or pwedeng magka-problema so kailangang ayusin lahat,” ani Yee.

Bumanat ng tig-14 points sina Gamit at Pascual noong tinibag nila ang Intramuros-based team habang 12 ang inambag ni Nolasco.

Show comments