Alakdan (121)

Matutulog lang ng apat na oras si Troy at saka pupunta sa pune-raryang kinalalagakan ng papa ni Kreamy na si Mang Dolfo. Hanggang alas siyete ng gabi siya naglalagi sa punerarya. Magpapaalam siya kay Kreamy para pumasok sa trabaho. Kinabukasan, ganoon uli ang ginagawa niya. Naaawa siya kay Kreamy na tila hindi na natutulog dahil laging nakabantay sa kabaong ng papa niya.

Noong ikatlong araw ng burol, napagmasdan niya si Kreamy na mala­ki na agad ang inihulog ng katawan dahil sa pag­pu­puyat marahil at sob­rang stress. Ang dating matambok na pisngi ay naging malalim. Pati mga mata ay nawalan ng sig­la. Masyadong naapek­tuhan si Kreamy nang pagkamatay. Pero sa isip ni Troy, maaaring iniisip din ni Kreamy ang magiging buhay pagkaraang maili-bing ang papa niya. Kung noong buhay pa ang papa niya ay hindi na maganda ang kanilang relasyon, mas lalo pa ngayon.

Nang sulyapan naman ni Troy si Mayette ay walang mababakas na naapektuhan ito sa pagkamatay ng asawa. Wala lang. Ni hindi yata umiyak si Mayette.

Ganunman, mahusay mag­kunwari si Mayette sapagkat naipakita sa mga nakikiramay na tao na walang namamagitang away sa kanila ni Kreamy. Maraming tao ang nagpupunta at nag-abot ng pakikiramay kay Mayette. Walang napupuna ang mga tao sa nangyayari sa mag-ina.

Sa huling gabi ng burol ay mas maraming tao ang dumating. Halos wala nang maupuan ang mga tao.

Napansin ni Troy ang paglabas ni Kreamy. Ma­aaring pupunta sa comfort room. Sinundan ni Troy para magpaalam. Papasok na siya sa trabaho.

“Babalik na lang ako bukas. Anong oras ba ang libing?”

“Ala una ng hapon,’’ sabing walang kasigla-sigla.

“Ba’t hindi ka matulog kahit ilang oras, Kreamy?”

“Hindi ako inaantok, Troy. At saka ayaw kong iwan si Papa. Lalo pa hu-ling gabi na niya.”

“Baka magkasakit ka?”

“Okey lang. Mas ma­ganda nga kung magkaganoon.’’

Nagpatuloy si Kreamy sa pagtungo sa comfort room. Umalis naman si Troy.

Kinabukasan, eksak­tong ala-una ng hapon inilibing ang papa ni Kreamy. Maraming nakipaglibing.

Nang ihuhulog na ang kabaong, ibinuhos lahat ni Kreamy ang luha. Si Ma­yette, nakatingin lang.

(Itutuloy)

Show comments