Alakdan (70)

KINAKABAHAN si Troy sa walang tigil na pag-iyak ng kanyang Inay. Ano ba itong nangyayari at parang wala nang paraan para maisalba ang kanyang Itay. Masama na yatang talaga ang kalaga­yan ng kanyang Itay.

Pero pinilit ni Troy na magpakatatag. Ang kanyang pinsang babae na may-ari ng cell phone ang kinausap niya.

“Malubha ba si Itay, Maricel?”

“Marami raw isasagawang eksamin sa kanya Kuya Troy. Kasi nga halos hindi ma­igalaw ang katawan. Parang paralisado ba. Kaya iyak nang iyak si Tiya Julia, sa inay mo. Awang-awa nga ako sa kanya…’’

“Ikaw na muna ang bahala, Maricel. Sa­lamat at pinagagamit mo ang cell phone.’’

“Uuwi ka ba Kuya Troy?”

“Hindi ko pa masabi kasi may trabaho ako. Mahigpit sa pinagtatrabahuhan ko.’’

“Kasi’y naaawa nga ako kay Tiya Julia.­’’

“Puwede ikaw na lang ang tumawag sa akin, Maricel. Kasi, hindi ko makausap si Inay. Kung anuman ang mangyari, itawag mo o i-text sa akin.’’

“Sige Kuya Troy. Pero sana, makauwi ka…’’

“Sige, Maricel. Sa­lamat sa tulong mo.’’

Maski nang nasa trabaho na si Troy ay ang kalagayan ng kanyang Itay ang nasa isip. Nagkamali pa nga siya sa pagsi­silid ng items sa bag. Napansin tuloy siya ng supervisor nila.

“May problema ka ba, Troy?”

“Ha e wala po, Mam.”

“Pagbutihin mo ang paglalagay sa bag ng mga item. Baka maihalo mo sa sabon ang karne o isda.’’

“Opo Mam. Hindi na po mauulit.’’

Nang makauwi at nag-iisa na sa kan­yang kuwarto ay nag-iisip pa rin si Troy. Baka may masamang mangyari sa kanyang Itay. Kawawa naman ang Inay niya kapag may nangyari…

(Itutuloy)

Show comments