Takaw (85)

Tinapos ni Trevor ang pelikula. Nasiyahan siya. Maaaring pagkunan ng ideya at maisama sa kanyang koleksiyon ng mga kuwentong “kalaguyo”. Sa dakong huli ng pelikula ay nagkahiwalay din ang babae at lalaki. Sabi ng babae sa lalaki, huwag sayangin ang buhay sa kanya. Marami pa siyang matatamo sa buhay. Mayroon pang makikitang babae na kasing-edad din niya. Baka mas maganda pa. Ayaw ng lalaki pero sa dakong huli, tinanggap ang kapalaran. Makaraan ang ilang taon, nabalitaan ng lalaki na natagpuang patay ang babae sa tirahan nito. Ang suspect ay ang asawa. Doon natapos ang pelikula.

Napabuntunghininga si Trevor. Ganundin kaya ang maging wakas ng istorya nila ni Mam Mina. Hindi naman sana. Gusto niya ay magandang wakas. Ayaw niya ng trahedyang katapusan. Gusto niya ay masaya.

Sisimulan na ni Trevor ang pagsulat ng kuwentong nakuha sa piniratang pelikula nang bigla niyang maalala si Mam Mina. Baka dahil sa bigla niyang pagsumpong dito kanina ay kung ano ang maisipan. May problema si Mam at hindi niya kabisado ang takbo ng isip nito. Baka kung ano ang gawin. Baka sa pagkadesperada ay may gawaing masama.

Tinawagan niya si Mam. Magsu-sorry siya.

“Hello?” sagot sa kabila. Si Mam Mina.

“Mam!” si Trevor.

“Sabi ko na nga ba’t hindi mo ako matitiis, Trevor.”

“Hindi ka galit, Mam?”

“Hindi. Ano naman ang ma­gagawa kung magalit ako. At saka hindi ko kayang magalit sa katulad mo, Trevor.”

“Kanina ay binalikan kita. Wala ka na sa coffee shop.”

“Naroon ako. Nakatago lang. Hindi na lang ako nagpakita. Para naman mag-isip ka. At tama ang hula ko, na tatawag ka ngayon dahil nakapag-isip ka.”

“Nakonsensiya ako. Naisip ko bakit sinumpungan agad kita.”

“Mabuti kang tao. Yung mabubuting tao, kaunting may magawang kamalian agad na humihingi ng tawad. Meron namang tao, nahuli mo na’t lahat ayaw pang umamin. Gaya ng asawa ko…”

Natahimik sila pareho. Walang masabi si Trevor.

Si Mam ang nagbukas muli.

“Ayaw ko kasing maawa ka sa akin Trevor kaya hindi ko masabi sa’yo ang problema ko. Pero ngayon na may malaki kang concern sa akin, sabihin ko na. Baka nga may masabi kang lunas. Pero ang alam ko, wala nang lunas dito. Tiisin ko na lang. Martir naman ako…”

(Itutuloy)

Show comments