Maria Soledad (Ika-40 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

DINALA ko ang apelyido ni Tatay. Ayaw niya subalit walang magawa. Sa gitna nang mahigpit na sitwasyon, kahit na ayaw niya ay napilitan din. Kahit na masakit sa loob hindi siya makadaing ng "aray". Sa takot din marahil na mabulgar ang masakit na nangyaring buntis si Inay makaraang manggaling sa Saudi, tinanggap ni Tatay ang lahat para lang huwag mabuking ang lahat at siya ay mapagtawanan.

Maraming kakilala ni Inay ang nagnais na makita ang bagong silang na sanggol, ako nga iyon. Isang karaniwang tanawin na nangyayari sa mataong lugar na aming tinirahan. Nang ibaba raw ako sa owner type jeep, marami nang nakiusyuso. Sinilip ako. Si Ate Neng ay nagtaray sa mga bata na nakisilip. Para bang aagawan ng kendi na ayaw ipakita ang bagong sanggol.

"Ay ang liit," sabi raw ng isang babae na nanlilimahid ang suot makaraang makita ako sa ilalim ng lampin, "pero ang cute. Matangos na ang ilong kahit na baby pa."

"Babae ba o lalaki?" tanong ng isang kapitbahay.

"Babae," sagot daw ni Ate Neng na nakairap.

"Pambayad utang ‘yan. Siguro maraming nadisgrasya si Pareng Jun," sabi naman ng isa pang tambay na lalaki.

"Mabuti at naging babae. Madaling pakinabangan agad."

"Sino bang kamukha?"

"Hindi pa malalaman. Beybi pa ‘yan e."

Natahimik lamang daw nang maipanhik na ako sa bahay. Ayon kay Inay, nalilito siya sa mga susunod pang kabanata ng buhay ngayong apat na sila sa bahay na iyon. At dahil ako’y "sampid" lamang, hindi alam ni Inay kung paano ang gagawin para hindi masaling ang damdamin ni tatay na magbubunga na naman ng pagbuga ng bulkan. Kahit na ipinagkaloob ni Tatay ang kanyang apelyido, hindi ibig sabihin niyon ay okey na ang lahat.

Maraming pagkakataon na darating si Tatay na mainit ang ulo galing sa trabaho at mas lalong umiinit kapag umiiyak ako.

"Patigilin mo nga ‘yan! Hirap na hirap na ako sa pagtatrabaho tapos ganyan pa ang maririnig ko," sabi at saka magdadabog.

(Itutuloy)

Show comments