PANIBAGONG pagsubok na naman ang dumating sa buhay ni Sapitula. Hindi niya akalain na ang pagkikilala nila ni Ito, isang Japanese national ay hahantong sa isang malaking problema.
Nakilala niya si Ito, 47, nang di-sinasadyang nadaanan sa isang lugar sa Ermita, dakong alas-siyete ng gabi. Nagko-conduct siya ng inspection, sakay ng Mobile Car nang makita ang Japanese na parang may hinahanap. Pinarahan niya ang Japanese. Tinanong kung ano ang problema. Marunong namang mag-Ingles si Ito subalit garil. Putol-putol. Subalit nakuha ni Sapitula ang problema ng Japanese. Naligaw pala ito at hindi malaman kung saan ang pabalik sa hotel na tinutuluyan. Sinabi pa na ilang araw pa lamang nakararating sa bansa.
Bahagi ng tungkulin bilang pulis, sinamahan ni Sapitula ang Japanese sa hotel na tinutuluyan nito. Ganoon na lamang pasasalamat ni Ito kay Sapitula. Iyon ang simula ng kanilang pagkakaibigan.
Mula noon ay pabalik-balik na sa bansa si Ito. Naging matibay ang pagkakaibigan nila ni Sapitula.
Hanggang sa makilala ni Ito ang isang babae, nagngangalang Dolly, 20 anyos. Niligawan ni Ito si Dolly. Galante ang Japanese. Bonggang magregalo. Isang buwan ang nakaraan, nag-live-in na ang dalawa. Itinira si Dolly sa isang condo na puno ng kasangkapan. May kotse pa. (Itutuloy)