May malalim na dahilan kung bakit inilihim ni Ka Asyong sa kanyang asawa ang naka-save na pera sa banko. Hindi naman siya nagdadamot subalit baka kapag nalaman ng mga kamag-anakan niya o ng kanyang asawa na may ganoon silang kalaking pera ay hiramin iyon. Sinabi ni Ka Asyong na hindi maituturing na kasamaan ng ugali ang paglilihim na iyon ng pera sapagkat mayroon siyang pinaglalaanang negosyo sa kinabukasan. Alam na niya ang target ng perang pinagsikapan at pinagtiyagaan niyang ipunin. Sigurado siya na ang naiisip niyang negosyo ay magtatagumpay. Naniniwala siyang babalik ang puhunan.
Sa kabila rin naman na may naiipong malaki-laki na ring halaga ay hindi naging maluho si Ka Asyong. Pinagtitiyagaan pa rin niya ang ilang pirasong damit at pantalon na ipinangpapasok sa trabaho. Pinagtitiyagaan pa ring lakarin ang may apat na kilometro mula sa kanilang bahay patungo sa Jacinto Steel. Sa kabila nang mabigat ang trabaho bilang crane operator, nagagampanan niya iyon nang maayos at napapansin siya ng may-ari bilang mahusay na empleyado.
(Itutuloy)