Dingdong, babawi sa pamilya

Ngayong Mahal na Araw ay makakasamang magbakasyon ni Dingdong Dantes ang buong pamilya. Para sa aktor ay ito ang pagkakataong kailangan bumawi sa asawang si Marian Rivera at kanilang dalawang anak na sina Zia at Sixto dahil walang trabaho. “Mahilig kami sa last minute. So tingnan natin kung saan kami dadalhin ng mga bagay-bagay. Kailangan magkakasama kami kapag Holy Week,” nakangiting bungad ni Dingdong sa 24 Oras.
Isang bagong proyekto ang nakatakdang gawin ng Kapuso actor pagkatapos ng Semana Santa. Ayon kay Dingdong ay kailangan itong pakaabangan ng mga tagahanga ngayong taon. “Definitely, so abangan nila. Anytime this year, mag-uumpisa na po ‘yon,” giit ng aktor.
Samantala, proud din si Dingdong sa pagiging host ng Family Feud Philippines. Matatandaang unang sumabak sa programa ang aktor noong 2009 hanggang 2010 bilang host. Si Dingdong ang muling naging host ng programa mula nang bumalik sa GMA Network noong 2022. “Kung mapapansin n’yo bago rin ‘yung stage natin. Ito ‘yung ginagamit talaga sa Family Feud America sa United States with Tito Steve Harvey,” pagtatapos ng Kapuso Primetime King.
Malapit nang mapanood sa mga sinehan ang pelikulang pinagtambalan nina Dingdong at Charo Santos-Concio na Only We Know.
Allen, takot sa pulitika
Maraming beses nang may nag-alok kay Allen Dizon na subukan ang mundo ng pulitika. Para naman sa aktor ay hindi siya nararapat upang maging isang public servant. “Feeling ko hindi pa ako ready. Parang kailangan ko mag-aral kung papasukin ko ‘yung politics. Kailangan ko munang i-set aside ‘yung career ko and family ko to enter politics. Kung papasukin mo ito kailangan buo ‘yung loob mo,” pahayag sa amin ni Allen sa Fast Talk with Boy Abunda.
Nag-aalala ang aktor na baka hindi magampanan ang mga tungkulin para sa bayan dahil hindi siya pamilyar dito. “Pag-aralan mo kung papasukin mo ‘to kasi hindi basta-basta eh. Baka hindi ko magawa ‘yung baka iboto ako ng mga tao, hindi ko magawa ‘yung role ko. Hindi ko magawa ‘yung bilang isang public servant or maging ano ka. Baka mapahiya lang ako,” pagtatapat ni Allen.
Samantala, apatnapu’t pitong taong gulang na ngayon si Allen. Bukod sa pag-eehersisyo ay mayroon pang ibang ginagawa ang aktor upang mapangalagaan ang kanyang pangangatawan. “Ako siguro ‘yung stress-free. I do IF (intermittent fasting) and diet. I love nature eh, madalas akong mag-camping, madalas akong mag-off-roading. Healthy living and dapat masaya ka sa buhay mo,” pagbabahagi ng premyadong aktor.
(Reports from JCC)
- Latest