Lalagare sa abroad... KimPau, kumita ng P12 million sa unang araw

Patok sa takilya ang unang pagsasama nina Kim Chiu at Paulo Avelino na My Love Will Make You Disappear. Kumita ng P12 milyon ang pelikula ng Star Cinema sa unang araw nito.
Ang pelikula ng KimPau ngayon ang may pinakamataas na opening-day na kita sa takilya ngayong 2025 kung saan pinapalabas ito sa 380 na sinehan sa buong bansa.
Trending din at usap-usapan sa social media lalo na sa X ang nangyaring premiere night nito at humamig din ng magagandang reaksyon.
Sa unang araw, sinorpresa nga nina Kim at Paulo ang kanilang fans sa pag-ikot nila sa block screenings at para na rin magpasalamat sa kanilang fans.
Kinumpirma kamakailan ng Star Cinema na magkakaroon din ng 224 block screenings ang pelikula mula sa iba’t ibang parte ng bansa, pati North America, Middle East, at Asia.
Umiikot ang kwento ng pelikula kay Sari (Kim), isang bukod-tanging babae na diumano ay may sumpa, na biglang nawawala ang mga lalaking minamahal niya. Makikilala niya ang heartbroken na si Jolo (Paulo), ang bagong landlord ng tinitirhan niya na Tahanan Homes. Matapos malaman ang tungkol sa sumpa ni Sari, susubukan niyang paibigin ito para takasan ang kanyang mga problema at tuluyan na siyang mawala.
Ang pelikula ay sa ilalim ng direksyon ni Chad Vidanes. Tampok din sa pelikula sina Melai Cantiveros, Wilma Doesnt, Lovely Abella, Benj Manalo, Nico Antonio, Migs Almendras, Martin Escudero, Karina Bautista, Jeremiah Lisbo, Atasha Franco, Kelsey Lasam, at Lucas Andalio.
Samantala, binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) ang pelikulang ito habang ang film concert na Imagine Dragons: Live From Hollywood Bowl (With The La Film Orchestra) at The Unbreakable Boy, ay parehong rated PG din.
Payo ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio sa mga manonood: “Sa PG rating, dapat alam ng mga magulang ang ibig sabihin ng mga salita para sa kapakanan ng mga batang manonood.”
Samantala, dahil sa mga alien at nakakatakot na eksena, ang American-Thai supernatural Home Sweet Home: Rebirth, ay rated R-13. Ibig sabihin, angkop lamang ito sa edad 13 at pataas.
Ang horror-thriller na Shadow of God, ay R-16, para sa mga edad 16 at pataas dahil sa mga eksena, lenggwahe, at pagsanib ng demonyo na hindi angkop sa mga batang edad 16 at pababa.
Tiniyak ng Board na ang mga pelikulang ipapalabas ngayong linggo ay nabigyan ng angkop na klasipikasyon na akma at swak para sa iba’t ibang edad.
- Latest