Andrea, magbebenta ng tahong!

Gaganap si Andrea Torres bilang isang tindera ng tahong sa seryeng Akusada na mapapanood sa GMA Network. Bilang paghahanda sa bagong karakter ay kinailangan daw panoorin ng aktres ang ginawang dokumentaryo ni Kara David tungkol sa pagtatahong. Umaasa si Andrea na magkakaroon din ng kaalaman ang mga manonood tungkol sa pamumuhay ng mga nagtatahong dahil sa bagong programa. “Sobrang dami niyang natulong sa ‘min pagdating sa kung paano ipoposisyon ‘yung sarili ko dito sa role na ‘to. Ako mismo parang, ‘Wow! Ito pala ‘yung sa likod ng mga nakikita natin sa araw-araw natin na buhay. Ito pala ‘yung pinagdadaanan nila,” pagbabahagi ni Andrea.
Si Benjamin Alves ang makakatambal ng aktres sa bagong serye. Minsan nang nagkatrabaho noon ang dalawa pero ngayon lamang magkakasama nang matagal sa naturang proyekto. “Meron kaming ginawang isang memorable, Magpakailanman episode. So parang na-feel namin do’n na para kaming team. Para kaming love team kahit na never pa kami nagsama sa isang show,” nakangiting kwento ng dalaga.
Pamilya Legaspi, mapapasabak sa iyakan
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magbibida sa isang drama series ang pamilya nina Carmina Villarroel, Zoren Legaspi at ang kambal na anak na sina Cassy at Mavy Legaspi. Mapapanood sa Afternoon Prime block ng GMA ang Hating Kapatid na pinagbibidahan ng pamilyang Legaspi. Ayon kay Carmina ay mukhang mahihirapan sila dahil ngayon lamang mapapasabak sa drama. “First time namin na iiyak as a family. ‘Yon talaga sabi ko nga opposite eh, kasi in real life, alam mo ‘yung magaan lang, tawanan lang, kulitan. Ito ‘yung talagang puro mga iyakan, confrontation which is going to be challenging for all of us,” pahayag ni Carmina sa 24 Oras.
Matatandaang huling napanood si Zoren sa Black Rider noong isang taon. Hindi naman daw nakaramdam ng pagkailang ang aktor ngayong makakaeksena ang mga anak sa naturang drama series. “Napagbulay-bulayan ko na ‘yan, parang hindi naman. Napag-isip-isipan ko na, na hindi kasi, you know, as they age, ‘yung naging teenager sila, naging open kami sa isa’t isa eh,” pagbabahagi ni Zoren.
Napapanood ngayon si Mavy bilang isa sa mga host ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. Si Cassy naman ay abala sa vodcast niyang Cassy’s Corner na nagsimula noong Disyembre. Magkahalong emosyon ang nararamdaman ng kambal dahil ngayon lamang makakaeksena ang mga magulang sa isang serye. “I’m very excited and I’m curious din kung paano kaya ang working dynamics namin,” paglalahad ni Cassy.
“May kaba ako, more on excitement kasi I believe in our work, our craft as a family, and also the craft ng bawat isa. I’m very excited to show the netizens, the viewers what we’re capable of,” dagdag naman ni Mavy. — Reports from JCC
- Latest