Daniel, mabilis nakumbinsi sa action ni Ian

Action star ang aura ni Daniel Padilla sa ginanap na media conference ng all-out action series na Incognito.
Hindi na siya payatot at mas may angas ang mga kilos.
Kung sabagay, grabe ang mga eksena nila sa Incognito kasama sina Richard Gutierrez at Ian Veneracion with Maris Racal, Anthony Jennings and Baron Geisler sa ipinakitang trailer nito.
Pero wala na raw siyang gaanong adjustment dahil din nagkaroon na siya ng warm up sa La Luna Sangre kasama ang direktor nilang si Direk Lester Ong. “Nakapag-warm up naman na kami dati ni Direk Lester sa La Luna Sangre. Nakasubok na ng konting action dun and syempre it’s very different pero iba rin ito. Ito kasi action talaga... simula ‘yung araw mo, adrenaline rush na ‘yun hanggang gabi eh so pagkarating mo sa hotel mo (nag-shooting sila sa Italy) very fulfilling din ‘di ba kasi ‘yung mga stunt din na hindi madadali pero ‘pag nagawa namin ‘yun, it’s very fulfilling. It’s very different. Syempre, kahit papaano, it’s very new for me pero masaya. Parang matagal-tagal ko ring gagawin ito,” paliwanag ni Daniel.
Pero nagkaroon ba ng pressure na dapat maging kasing galing siya ng kanyang tito Robin Padilla na mahusay na action star o ng ama niyang si Rommel Padilla? “Wala rin naman akong nararamdaman na kaba o ano dahil sakto lang eh. I’m just doing my best. Kung ano ‘yung kalabasan nu’n, that’s it. Kung ano man, I’m just doing my best and I’m proud sa mga nagagawa naming lahat, as a group. Sa trailer pa lang, I’m excited. Parang excited akong ipakita rin sa erpat (Rommel) ko ito.
“Sa training pa lang kami, excited na ako. Pero excited akong ipakita sa erpat ito. Malamang panis siya sa akin! Hahahaha!
“Joke lang. Joke lang!” patawa ni Daniel kaya naman tilian ang kanyang fans na invited sa nasabing media conference noong Biyernes ng gabi na ginanap sa Dolphy Theater.
“Oo nga, ang tatay ko nandun din sa genre na ‘yon, ang mga tito ko. Pero, iba-iba naman kami ng timpla. Tingnan na lang natin kung ano ang maio-offer natin,” dagdag na katwiran pa ni Daniel.
Sinabi niya ring hindi siya nag-isip nung ialok ang proyekto sa kanya.
In fact, nagkainteres daw kaagad siya. “Kwento pa lang ni Direk, sobra akong nagkaroon ng interes. Ayun nga ‘yung private military contractors. Tapos nabanggit pa kung sinong mga kasama. Tapos kinumbinsi ako ni Tito Ian (Veneracion). Tinawagan niya ako.
“At ‘yun nga, ‘yung binabanggit nilang elevation parang gusto kong maging parte nu’n. Iba rin ‘yung mga apoy sa mata ni Direk Lester nung binabanggit sa akin ‘yung kwento at ‘yung pupuntahan nung show namin so sabi ko, Direk, gusto ko maging parte nito. So, thanks, guys. I’m happy to be part of this,” rebelasyon pa ng actor.
Samantala, ‘death’ anniversary (breakup) kahapon KathNiel. November 30 nga last year nang maglabas sina Kathryn Bernardo at Daniel ng kanilang official breakup statement pagkatapos ng 11 years.
Kinumpirma nila ang breakup sa pamamagitan ng isang Instagram post kung saan ibinahagi ni Kathryn ang lumang larawan nila ni Daniel.
May fans pa ring may poot sa puso sa nangyaring hiwalayan nila, pero marami na rin ang naka-move on at tanggap na ang kapalaran ng kanilang mga idolo kaya’t trending kahapon sa X (Twitter) ang KathNiel kung saan inaalala nila ang masasayang araw ng dating magkarelasyon at naglalabas ng saloobin sa nangyari.
Wala namang pinag-usapan sa ginanap na presscon ng Incognito tungkol kay Kathryn.
Samantala, ipapalabas ang serye sa Enero 17 sa Netflix, Enero 18 sa iWantTFC at Enero 20 sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live.
- Latest