'May kasal pa ba?': Catriona Gray binura engagement post nila ni Sam Milby

Litrato nina Sam Milby (kaliwa) at Catriona Gray (kanan)
Mula sa Instagram account ni Sam Milby

MANILA, Philippines — Wala na sa Instagram account ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang engagement photos nila ng aktor na si Sam Milby, dahilan para tanungin ng fans kung tuloy pa ba ang pag-iisang-dibdib ng dalawa.

Kamakailan lang kasi nang mapansin ng netizens na burado na ang naturang paskil. Nangyari ito ilang buwan matapos mapabalitang nagkakaroon ng problema ang dalawa sa kanilang relasyon.

"Living in an answered prayer with my best friend. I love you, fiancè (eeeeee) @samuelmilby," sabi ng buradong paskil ni Catriona noong Pebrero 2023, panahon kung kailan kinumpirma ng dalawa ang engagement.

Gayunpaman, nasa IG pa rin ni Sam ang kanilang engagement post sa beauty queen sa sariling IG account.

"I (FINALLY) put a ring on it! I love you my forever koala... now my fiancé," ani Sam noong nakaraang taon.

Pebrero 2024 lang nang sabihin ng Cornerstone Entertainment, ang talent agency nina Sam at Catriona, na dumaraan ang dalawa sa ilang pagsubok, ito matapos ang tsismis na hiwalay na ang dalawa.

Walang binanggit na detalye ang Cornerstone patungkol dito, ngunit hiniling nito sa publikong respetuhin ang privacy ng maagkarelasyon.

Dati nang napansin ng media na hindi na sinusuot ni Catriona ang kanyang engagement ring.

Sa kabila nito, ikinatuwa naman ng fans nang matagpuang magkasama ang magnobyo't nobya sa isang video sa social media noong Abril.

Show comments