Deniece at Cedric, ‘di pa hinahalo sa ibang preso!

Hindi pa rin pala naihahalo sa mga nakakulong sina Cedric Lee, Simeon Raz at Deniece Cornejo.

Nasa quarantine pa rin daw sila na kung saan nakadetine pa rin sa Reception and Diagnostic Center ng NBP sina Lee at Raz.

Masusing Physical at Spiritual examination pa raw ang pagdadaanan nila, na kung saan meron pa pala silang counselling.

Talagang inihahanda sila sa habang buhay na pagkakulong.

Itong prosesong pinagdadaanan nila ay talagang naka-quarantine pa sila at hindi pa raw sila puwedeng dalawin.

Ang tantiya pala ay dalawang buwan daw silang mamalagi sa quarantine.

Ang kuwento pa nga, hindi pa alam kung saan sila ikukulong dahil puno na raw sa NBP, at talagang nagsisiksikan na raw ang mga preso roon.

Hindi ko maisip kung ano ang kahihinatnan nina Cedric Lee at kasamahan nito na makipagsiksikan sa mga nakakulong sa loob ng Bilibid.

Sen. Bong, tanggap ang kapalaran

Tanggap na ni Sen. Bong Revilla na mauudlot muna ang pagbabalik pelikula niya dahil sa kalagayan niya ngayon.

Ang tantiya ay limang buwan siyang magpapagaling at hindi talaga niya puwedeng itapak, lalo na’t itakbo ang kanyang paa.

“Not meant pa talaga,” malungkot na pakli ni Sen. Bong nang kinumusta ko siya.

Kaya habang nakatengga ang project na ito, mas lalo pa nilang ayusin ang script at baka sa susunod na taon na nila ito ire-resume kapag tuluyan na ang pagga­ling ng kanyang paa.

Sa kabila ng kanyang kalagayan, dumadalo pa rin si Sen. Bong sa session sa Senado, pero online lang.

Nakalabas lang siya kahapon nang pormal na pagpirma ng agreement ng pagsanib ng Partido Federal ng Pilipinas at Lakas-CMD.

Si Sen. Bong ang chairman ng Lakas-CMD, at maganda raw itong pagsasanib nila ng Partido Federal ng Pilipinas, dahil mas mapabilis daw nilang maisulong ang mga programa ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Samantala, masaya si Sen. Bong sa pagtatapos ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis dahil sa magandang feedback nito.

Naka-9.2 percent ang rating ng finale episode. Pero hindi pa raw niya alam kung magkaka-season 3 dahil gusto sana niyang mag-focus sa pelikula niyang Birador: Alyas Pogi 4.

Show comments