Kitchie Benedicto, maraming nagawa sa industriya
Iyong mga bata-batuta pa noon, nagtatanong sa amin kahapon, sino nga raw ba ang namatay na si Kitchie Benedicto Paulino.
Si Kitchie ay anak ng dating Ambassador Roberto Benedicto, na may-ari noon ng Kanlaon Broadcasting System.
Hindi ‘yan nagsimula noong martial law, gaya ng sinasabi ng iba. Bago pa nag-martial law, may KBS na. Nagsimula sila noong 1960, na may dalawang istasyon ng radyo – ang dzRR at dzAX. Sila ang nag-operate ng Channel 9, simula noong 1969, mula sa lumang ABS-CBN building sa Roxas Boulevard nang iwan ng Lopez group para lumipat sa Bohol Avenue.
Doon namin nakilala si Kitchie na naging producer, at director pa ng ibang shows nila sa KBS dahil iyon naman talaga ang kanyang pinag-aralan. Panahon iyon ng The Nora-Eddie Show, na ang mga star ay sina Nora Aunor at ang noon ay jukebox king na si Eddie Peregrina. May isa pa siyang hawak na musical show, ang Sonny Side Up na ang star naman ay si Sonny Cortez.
Noong mag-martial law, nagkaroon ng batas na wala nang foreigner na puwedeng mag-may-ari ng mga kumpanya ng media, nabili ng kanilang grupo ang Inter-island Broadcasting Network na siyang nag-ooperate ng Channel 13 mula kay Don Andres Soriano. Ginawa nila iyong Intercontinental Broadcasting para mapanatili ang nakasanayang IBC 13, pero binago nila ang format. Nilagyan nila ng local shows. Diyan nagsimula si Lenny Parto at naging number one station iyan.
At ang show ni Inday Badiday na dyan nagsimula, Nothing But the Truth, umabot iyon sa napakataas na ratings. Diyan din ang show ni Ike Lozada, ang Big Ike’s Happening.
Makalipas ang ilang taon, nakuha rin ng Benedicto Group ang Banahaw Broadcasting Corporation. Ang naging launching niyan isang live musical variety na on the air mula sa Plaza Miranda sa Maynila.
Diyan sinimulan ni Kitchie ang VIP ni Ate Vi, 2+2 ni Vic Sotto. Diyan din ang Big Big Show, at marami pang ibang programang tumaas din ang ratings.
Sa RPN, nandun naman ang malalakas na drama kagaya ng Flor de Luna at Gulong ng Palad at Superstar ni Nora Aunor. Kaya noon ang kinikilalang major stations dahil naroroon ang mga big star ay RPN 9, BBC 2, at IBC 3.
Binago nila ang trend sa television, kaya ang Channel 7 na nabili naman ng GMA mula kay Bob Stuart na siyang nagtatag ng Republic Broadcasting Company at unang may-ari noon, naglagay na rin ng local shows.
Diyan na nagsimula si Kuya Germs. Dati ang napapanood lang diyan Combat at saka cartoons ni Popeye.
Natigil ang lahat nang magkaroon ng rebolusyon sa EDSA at ipinasara ng gobyernong Aquino ang mga istasyon ni Benedicto dahil sa suspetsa nila na ang mga iyon ay kay Marcos. Tapos binuksan pero PCGG na ang may hawak ng tatlong istasyon.
Noong ipinasara ang mga major network at nag-take over ang gobyerno dahil lamang sa suspetsa. Ang BBC, tuluyan nang isinara at ayon kay Manoling Morato na umupo noon sa BBC board dahil nominee siya ng PCGG, ang mga equipment na iba ay “pinaupahan” muna sa ABS-CBN na siyang nakakuha ng frequency. Simula noon, hindi na naging aktibo si Kitchie sa showbiz.
May panahon na tumulong pa siya sa produksiyon ng show ni Ate Luds sa GMA 7, pero hindi na rin nagtagal iyon dahil yumao na nga si Ate Luds.
Nakikita namin si Kitchie sa Trader’s Hotel sa Roxas Boulevard na sila rin ang may-ari. Iyong hotel na iyon, in-lease sa kanila ng Holiday Inn, pero noong matigil ang mga international event sa Pilipinas, at bumagsak ang turismo noong panahon pagkatapos ng rebolusyon, isinauli iyon sa kanila kaya naging Traders.
Napakaraming nagawa si Kitchie para sa industriya ng telebisyon sa bansa, marami siyang artistang napasikat at may mga pelikula rin na tinulungan niyang gawin.
Wala na si Kitchie. Pumanaw siya noong Martes sa edad na 74.
Na-cremate na rin ang kanyang mga labi pero wala pang announcement ang kanyang pamilya kung kailan siya ihahatid sa huling hantungan.
Pero dahil ECQ na naman tayo, sila-sila na lang siguro ang maghahatid sa kanya.
Si Kitchie ang tumayong nanay ng mga artista noong araw. May gustong magkaroon ng bagong bahay, tutulungan niyang bumili. May gusto ng magandang kotse, tutulong din si Kitchie.
Sayang. Kung maibabalik nga lang ang panahon ni Kitchie Benedicto.
- Latest