^

Punto Mo

EDITORYAL - Sagabal ang korapsiyon

Pang-masa
EDITORYAL - Sagabal ang korapsiyon

MATINDI ang korapsiyon sa Pilipinas. Laganap ito kahit saang tanggapan ng pamahalaan. Hindi gagalaw­ ang mga nilalakad na papeles o dokumento kung walang “padulas” na pera. Nakasanayan na ito at tila wala nang pag-asa pang mawala sa lipunan.

Ang problema ng korapsiyon ang isa sa mga dahilan kaya kakaunti ang American companies sa bansa. Ayon sa Office of the U.S. Trade Representative (USTR) sa kanilang 2025 National Trade Estimate (NTE) report kay U.S. President Donald Trump at Congress, ang korapsiyon ay laganap sa Pilipinas at itinuturing na malaking sagabal sa mga negosyanteng Amerikano.

Nakapagtataka talaga na sa kabila ng mga biyahe ni President Ferdinand Marcos Jr. sa U.S. sa mga na­kalipas na taon, walang nakitang sigla sa pagdami ng negosyo ng mga Amerikano rito. Sabi ni Marcos noon, marami siyang bitbit pauwi na foreign investors at handang magtayo ng negosyo. Pero mangilan-ngilan lang ang nangahas na investors. Kaya pala, pinuproblema nila ang korapsiyon.

Noon pa man, nagbanta ang Ame­rican investors na aalisin nila ang mga negosyo sa Pilipinas kapag hindi natigil ang red tape sa maraming ahensiya ng gob­yerno. Iyon ang naging daan kaya binuo ang anti-corruption task force at isasailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal at empleyado na sangkot sa red tape.

Pero ningas kugon ang anti-corruption task force sapagkat makalipas lamang ang ilang buwan, balik sa dating gawi ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Kamakailan, nagsagawa ng pag-aaral ang UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights, at sinabing nananatili ang korapsiyon sa maraming sangay ng pamahalaan sa Pilipinas. Ayon sa pag-aaral, bagamat may mga ginagawang hakbang para labanan ang korapsiyon, patuloy pa rin itong lumalaganap. Isinagawa ng UN Committee ang pag-aaral sa Geneva, Switzerland noong Pebrero 18, 2025.

Ayon pa sa pag-aaral, bagama’t may mga ahensiya ng pamahalaan na ang tungkulin ay sugpuin ang korapsiyon sa pamahalaan, gaya ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit, hindi rin magawa ang tungkulin dahil sa kakulangan ng funds at technical resources.

Maraming katiwaliang nagaganap sa Bureau of Immigration, Bureau of Customs. Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Land Transportation Office, Department of Education, Department of Health, Procurement Service-Department of Budget and Management, at Philippine National Police.

Talamak ang korapsiyon at ito ang sagabal sa mga dayuhan para magtayo ng negosyo. Wasakin ng pama­halaan ang korapsiyon para matigil na ito. Kapag na­lipol na ang mga korap, wala nang sagabal at daragsa ang investors.

CORRUPTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->
ad