Shearline nanalasa
MANILA, Philippines — Lima katao ang iniulat na nasawi habang pito pa ang nakaligtas makaraang tangayin ang sinasakyan nilang shuttle van ng malakas na agos ng tubig baha sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng shearline sa lalawigan ng Palawan, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Palawan Provincial Disaster Reduction and Management Office (PDRRMO) kabilang sa mga nasawi ay ang magkapatid na batang sina Jamsarie Nasad, 9-anyos at Mc Jao Nasad, 6-anyos at isang Michelle Solis Acayan, 34-anyos.
Ang dalawa pang namatay ay ang mismong driver ng shuttle van at misis nito na ‘di pa tinukoy ang mga pangalan, na narekober ang mga bangkay ng search and rescue team ng PDRRMO at ng nasabing lungsod nitong Martes ng umaga.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang pito pang pasahero ng shuttle van na nagtamo ng mga galos at sugat sa trahedya.
Ayon kay Palawan PDRRMO Chief Jerry Alili, sakay ang mga biktima ng nasabing shuttle van na galing sa bayan ng Bataraza patungong Puerto Princesa City nang magkaaberya ito habang bumabagtas sa bahagi ng South National highway na lubog na sa tubig baha sa pagitan ng bayan ng Aborlan at ng nasabing lungsod.
Sa biglaang pagtaas ng tubig, tinangay ang nasabing behikulo ng malakas na agos na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.
Inihayag ni Alili na ang shearline na nagdulot ng malalakas na pag-ulan ay nagpalubog sa maraming lugar sa Palawan nito pang nakalipas na mga araw sanhi ng malawakang pagbaha at landslides kung kaya maraming kalsada ang pansamantalang isinara habang suspendido ang klase sa malaking bahagi ng lalawigan.