Sa hinalang may dalang armas sa jacket..
MANILA, Philippines — Isang 45-anyos na lalaki ang patay matapos na saksakin ng kanyang nakatatandang kapatid kamakalawa ng gabi sa Brgy. Paril, Cebu City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Joeniffer Infante Jopia, habang nadakip naman sa follow up operation ang kapatid nitong si Narciso, 50.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-7 ng gabi sa Sitio Cantisang ng nasabing barangay. Nagtungo ang biktima sa bahay ng kanyang kuya upang humingi ng tawad dahil sa matagal na nilang alitan subalit ipinagtabuyan naman ito ng huli.
Ayon sa suspek, humingi ng lighter ang nakababatang kapatid subalit wala naman itong sigarilyo kaya nagkaroon siya ng duda na posibleng armado ito lalo pa’t may matagal na silang alitan.
Sa pagdududang may armas na nakatago sa loob ng jacket ang biktima, agad na sinaksak ng kuya ang kapatid sa dibdib. Sinabi pa ng suspek na marami kasing pagkakataon na pinagbantaan ng biktima ang kanyang buhay.
Nagsisisi naman ang suspek sa kanyang nagawa sa sariling kapatid.