3 pulis sibak sa panununog ng ebidensya

MANILA, Philippines - Tatlong alagad ng batas ang iniulat na sinibak sa puwesto matapos ireklamo kaugnay sa panununog ng ebidensya sa kasong murder sa bayan ng Hinigaran, Negros Occidental, ayon sa opisyal kahapon.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Milko Lirazan, officer-in- charge ng Negros Occidental PNP provincial office, kabilang sa mga sinibak ay si P/Senior Inspector Nerito Lobrido at dalawa pang imbestigador sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Hinigaran.

Pansamantalang humalili kay Lobrido si P/Inspector Geruld Huerva bilang officer-in-charge.

Si P/Senior Insp. Lobrido ay sinibak alinsunod sa command responsibility  kung saan pansamantalang nasa Camp Alfredo Montelibano Sr. sa Bacolod City.

Samantala, hahawakan na ng Criminal Investigation and Detection Group sa Negros Occidental ang kaso kaugnay sa pagpatay kay Ma. Theresa Vinco ng Brgy. Paticui sa bayan ng Hinigaran.

Sinasabing hindi kaagad makapagsumite ng reklamo ang pamilya ni Vinco dahil sa matinding takot sa mga imbestigador.

Inihayag naman ng bagong Police Regional Office 6 Director na si P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., na kahit hindi sa ilalim ng kaniyang panunungkulan naganap ang insidente ay hindi niya kukunsintihin ang mga kapalpakan at iregularidad na maaring kasangkutan ng mga pulis sa Western Visayas Region.

Show comments