TUGUEGARAO CITY, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa 34-anyos na mister habang kritikal naman ang kanyang misis matapos salpukin ng 10-wheeler truck ang traysikel ng mag-asawa sa kahabaan ng highway sa Barangay Ramos West sa bayan ng San Isidro, Isabela kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Emmanuel dela Cruz, konsehal sa Barangay Dicamay sa kalapit bayan ng Jones habang nakikipaglaban naman kay kamatayan ang misis na si Melba dela Cruz. Lumalabas sa imbestigasyon na nagtangkang mag-overtake ang traysikel sa sinusundang sasakyan subalit nabitin ito sa kabilang linya ng highway kaya sumalpok sa kasalubong na truck ni Roberto Agabol ng Malabon City. Nabatid nagkalasug-lasog ang katawan ng biktima mula sa nawasak na traysikel. Nagreklamo naman ang driver sa pulisya kaugnay sa pagkakayupi ng kanyang sasakyan sanhi ng head-on-collision.