22 SK chairman nalason

MANILA, Philippines - Umaabot sa 22 Sangguniang Kabataan (SK) chairman ang isinugod sa ospital matapos malason sa kinaing handa sa hapunan sa Puerto Princesa City, Palawan noong Lunes ng gabi. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang mga SK chairman ay mula sa Metro Manila at Bulacan na dumalo sa SK Luzon Island Congress na ginanap sa Puerto Princesa City. Nabatid na simula pa kamakalawa ng gabi ay dumaing na ang mga biktima ng pananakit ng tiyan.Matapos kumain ng iba’t ibang uri ng pagkain sa hapunan ay nagsimulang manakit ang tiyan, mahilo at magsipagsuka ang mga biktima. Kahapon ng umaga ay isinugod ang mga biktima sa Palawan Adventist Hospital dahil sa kabila ng pag-inom ng gamot na pang 1st aid ay hindi pa bumubuti ang kanilang kondisyon. Ang mga SK chairman ay kinabibilangan ng 14 mula sa Parañaque City, 7 sa Malolos City, Bulacan at isa naman sa Marikina City.

Show comments