COTABATO CITY, Philippines – Isang guro sa public school ang iniulat na nasawi habang 20 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mag-dive ng jeepney sa malalim na bangin sa kahabaan ng highway sa bayan ng President Roxas sa North Cotabato kahapon.
Kinilala ni P/Senior Insp. Nestor Cachuela ang namatay na si Teresita Algar, 60, guro sa Linao Elementary School sa bayan ng Matalam.
Karamihan sa mga pasaherong sugatan ay nasa kritikal na kalagayan at isinugod sa iba’t ibang ospital sa Kidapawan City.
Lumilitaw na patungong bayan ng Matalam mula sa bayan ng President Roxas ang jeepney ni Antonio Buton nang mawalan ng kontrol ang drayber nito dahil sa madulas na kalsada.
Limang ulit na sumirko ang sasakyan bago nahulog sa bangin, ayon sa pasaherong si Gloria Nomvrado Macavinta.
Ayon kay Cachuela, sinuguro naman ng may-ari ng jeepney na sasagutin ang lahat ng gastusin ng mga biktima sa ospital at ang pagpapalibing sa namatay na guro. The Phil. Star News Service