2-anyos natusta sa duyan

MANILA, Philippines - Natusta sa duyan ang isang 2-anyos na batang lalaki makaraang makulong sa nasusunog na tahanan sa Purok Maharlika, Barangay Kuambogan sa Tagum City, Davao del Norte kamakalawa.

Halos hindi na makilala ang bangkay ni Russel John Panangkod sa grabeng pagkatupok ng katawan nito.

Sa phone interview, sinabi ni Tagum City PNP Director P/Supt. Joel Niel Salcedo, naganap ang insidente sa bandang alas-2:35 ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, iniwan ang bata ng kanyang mga magulang sa pangangalaga ng kanilang lolang si Redinta dahil sa nagtatrabaho ang mga ito sa kalunsuran.

Nabatid na may binili sa tindahan ang matanda kaya iniwan nito ang apo habang natutulog sa duyan.

Gayon pa man, naglaro ng lighter ang isa pa nitong 4-anyos na apong si Mary Grace Panangkod na aksidenteng nadikit sa kurtina ng bintana na siyang pinagmulan ng apoy.

Mabilis na kumalat ang apoy na lumamon sa buong kabahayan na gawa sa kahoy.

Pag-uwi ng matanda ay nagliliyab na ang buong kabahayan kung saan nabi­gong mailigtas ang bata dahil masyadong malaki na ang apoy habang nagawa namang makalabas ng bahay si Mary Grace.

Show comments