Sayyaf utak sa Jolo bombing

MANILA, Philippines - Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad ang posibleng kinalaman ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa pambobomba nitong Huwebes ng hapon sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng apat katao habang 10 pa ang nasugatan.

 “We are still assessing and investigating the incident, but we are not discounting the possibility that the Abu Sayyaf  bandits was behind the attack“, ani AFP Deputy for Operations (J3 ) Chief Major Gen. Emmanuel Bautista habang patuloy ang pangangalap ng ebidensya sa crime scene.

 Sa isang radio interview ay sinabi naman ni Jolo Mayor  Hussein Amin na ang mga bandidong Abu Sayyaf lamang ang may kapabilidad na gumawa ng nasabing pambobomba malapit sa Dennis Coffee Shop na matatagpuan  sa Scott Road, Brgy. San Raymundo, Jolo kamaka­lawa bandang alas-5:15 ng hapon.

 Taliwas sa unang napaulat na lima ang nasawi, nilinaw naman kahapon ng mga awtoridad na tatlo ang dead on the spot habang isa pa ang nasawi naman  sa pagamutan.

 Kabilang sa mga nasawi ay kinilala namang  sina Habier Sabri, Abdul Majid  Ibrahim, Alizon Maing  at isa pang dead-on-the spot na inaalam pa ang pagkakakilanlan habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga sugatan.

Sa panig naman ni AFP-Western Mindanao Spokesman Lt. Col. Randolph Ca­bangbang, ginamitan ng ammonium nitrate fuel ang pambobomba tulad ng nangyaring pagpapasabog noong Disyembre 2010 sa Jolo, Sulu.

Show comments