MANILA, Philippines - Halos nagutay ang katawan ng isang nasawing sundalo habang isa pa ang nasugatan matapos na hagisan ng granada ang military post na binabantayan ng mga ito ng motorcycle riding in tandem sa Crossing ng Brgy. Osias, Kabacan, Cotabato nitong Miyerkules ng gabi.
Agad binawian ng buhay sa pagsabog ang nasapul ng granada na si Corporal Rey Osorio habang isinugod naman sa pagamutan si Corporal Acmad Malic.
Ayon kay Major Marlowe Patria, Deputy Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID), dakong alas-8:45 ng gabi ng hagisan ng granada ng dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo ang military post ng Army’s 7th Infantry Battalion (IB).
Sinabi naman ni Lt. Col. Domingo Gobway, Commanding Officer ng 7th IB na pinaniniwalaang mula sa lawless group ng mga rebeldeng Muslim ang nasa likod ng insidente.
Kaugnay nito ipinag-utos na ni Gobway ang pagpapalakas pa ng checkpoint at chokepoints sa lahat ng entry at exit points sa lugar upang maiwasang maulit pa ang insidente.