NORZAGARAY, Bulacan, Philippines —Kahit walang ulan, sasapat pa ang tubig sa natutuyong Angat Dam para sa pangangailangan ng kalakhang Maynila sa loob ng 45-araw. Ito ang naging pahayag ng mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na siyang namamahala sa dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Gayunpaman, sinabi nila na posibleng higit pang bumaba sa naitalang pinakamababang water elevation ng dam ang sukat ng tubig doon sa loob ng dalawang araw dahil sa kawalan ng ulan. Dahil sa patuloy na pagkatuyo ng dam, naitala kahapon ang 158.64 meters above sea level (Masl) na water elevation sa dam na mas mataas lamang ng .49 meters sa 158.15 Masl ang pinakamababang water elevation na naitala noong Setyembre 1998 matapos manalasa ang El Niño sa bansa.