KIDAPAWAN CITY, Philippines — Niyanig ng 5.3 magnitude na lindol ang malawak na bahagi ng Davao at North Cotabato kahapong alas-8:07 ng umaga.
Ayon kay Engr. Nilo Tabigue, field observer ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang lindol ay na-monitor sa 32 kilometro hilaga ng Tagum City at 23 degree sa silangan ng lunsod ding ito.
Ang lalim nito ay 26 na kilometro.
Naramdaman ang lindol sa Davao City na may intensity 4; intensity 2 naman sa Kidapawan City at mga bayan ng Matalam at Makilala sa North Cotabato; intensity 3 sa President Roxas, North Cotabato.
Ang lindol sa Tagum City kung saan na-monitor ang epicenter ng lindol ay naitala sa intensity 3.
Ito na ang ikalawang insidente ng pagyanig sa Mindanao makaraang yanigin ng malakas na lindol ang bansang Haiti sa western hemisphere sa Caribbean island na ikinamatay ng halos kalahating milyong katao.
Bantulot ang mga residente sa Mindanao nang makaramdam ng lindol dahil sariwa pa sa kanilang alaala ang malakas na lindol sa Haiti noong nakaraang Martes.
Agad namang pinaalalahanan ni Phivolcs director Renato Solidum ang mga residente sa naapektuhang lugar na mag-ingat dahil inaasahan na magkakaroon pa ng maraming aftershocks sa kanilang lugar. Malu Manar at Angie dela Cruz