Lider ng tribal gang, iba pa, kakasuhan
MANILA, Philippines - Sasampahan ng kaukulang kaso ang isa sa lider ng tribong Manobo na responsable sa pagbihag sa 75-katao sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si P/Chief Supt. Leonardo Espina, ito’y matapos na palayain ng grupo ni Ondo Perez, ang nalalabi pang 46 binihag kung saan nakipagnegosasyon ang Crisis Management Committee na pinamumunuan ni Agusan del Sur Governor Valentina Plaza.
Kabilang sa kasong isasampa laban kay Perez at iba pa, kidnapping with serious illegal detention at illegal possession of firearms na isusumite sa opisina ng piskalya.
Bagaman napagkasunduan ng mga negosyador at ni Perez na litisin sa tribal court ang kaso ay may pananagutan pa rin ito sa batas sa ilalim ng Revised Penal Code Article 297 o ang kidnapping with serious illegal detention.
Isasailalim naman sa masusing ebalwasyon ng lokal na korte ang resulta ng paglilitis laban sa grupo ni Perez na nasa ilalim na ngayon ng kustodya ng pulisya matapos nitong palayain ang mga bihag.
“Now it will undergo processing and this would be also of course subject to the approval of the regional trial court presently in charge of trying this particular case once approved, it will be tried by the Manobo court and then after verdict it would be returned back to the RTC,” paliwanag pa ni Espina.
Samantala, patuloy naman ang hot pursuit operation upang disarmahan ang grupo ni Jun Tubay na sangkot sa pagmasaker sa mga magulang ni Perez na naging ugat ng marahas na hostage-drama.
Noong Huwebes ay hinostage ng grupo ni Perez ang may 75 katao kabilang ang mga guro at estudyante sa Barangay San Agustin, Prosperidad.
- Latest
- Trending