MANILA, Philippines - Nasilat ng mga awtoridad ang planong pagpapasabog ng mga armadong kalalakihan sa ilang bahagi ng Jolo makaraang masabat ang bultu-bulto bomba sa isinagawang raid sa bisinidad ng Brgy. Chinese Pier, Jolo, Sulu kamakalawa ng hapon.
Sa pahayag ni Lt. Col. Edgard Arevalo, nagsagawa ng operasyon ang mga tropa 2nd at 3rd Marine Brigade at pulisya sa nabanggit na barangay at nadiskubre ang toneladang pampasabog sa bahay ni Hadji Nahrin Abu Akmad na sinasabing supplier ng grupong Abu Sayyaf.
Kabilang sa mga materyales ng bomba na nasabat ay ang 27-sako ng ammonium nitrate, 4,500 blasting caps casing, 13 rolyo na may pitong metrong habang blasting fuse, sako na naglalaman ng potassium chlorate, 40mm caliber pistol na may bala, cellular phone, P80,000 cash at pasaporte ni Akmad.
Gayon pa man, nakatakas si Akmad na pinaniniwalaang natunugan ang pagsalakay ng mga awtoridad. Si Akmad ay siyang itinuturong supplier ng bomba na ginamit ng mga bandido sa pagpapasabog sa ilang bahagi Jolo, Sulu noong Abril 3, 2009. Joy Cantos