MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi habang lima ang sugatan nang maka-engkuwentro ng mga ito ang grupo ng Moro Islamic Liberation Front na siyang dumukot sa dalawang empleyado ng isang lending firm sa Sumisip, Basilan. Ang nasawi ay nakilala lang sa pangalang Sgt. Cena habang ang mga sugatan ay tinukoy lang sa pangalang Sgt. Elofre, Sgt. Castillo, Corporal Peñaranda, Corporal Curpin at Pfc. Dintay.
Sinasabing nagsasagawa ng rescue mission ang tropa ng militar dakong alas-10:00 ng umaga kamakalawa upang mailigtas ang mga bihag na sina Leah Patris at Amad Salih Ilang na dinukot noong Pebrero 3 sa Brgy Limbu, Cadis, ngunit pinalaya din ang huli noong Pebrero 6.
Agad na nagsitakas ang grupo ng MILF matapos ang 30 minuto na pakikipaglaban. Hostage pa rin nito at ng Abu Sayyaf ang mga gurong sina Quizon Freirez, Rafael Mayonada at Jeannette delos Reyes na unang dinukot noong Enero 23. (Joy Cantos)