Pinatawan ng pagkakadismis sa serbisyo ang hepe ng pulisya habang suspendido naman ang iba pa nitong tauhan matapos na mapatunayang nagpabaya sa tungkulin kaugnay ng kaso sa droga sa Benguet, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni P/Chief Supt. Eugene Martin, ang sinibak na opisyal na si P/Senior Inspector Bernardo Capela, hepe ng Kapangan PNP.
Base sa resulta ng imbestigasyon, si Capela ay guilty sa tatlong kaso ng grave offenses (serious neglect of duty, dishonesty at misconduct) na may katapat na parusang pagkakatanggal sa serbisyo.
Samantala, ang iba pang nadawit sa kaso ay pinatawan naman 30 hanggang 60-araw na pagkakasuspinde.
Napawalang sala naman sina SPO2 Nicholas Luna, PO3 Evelyn Liwas at ang non-uniformed personnel (NUP) ay napawalang sala sa kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa mga ito.
Magugunita na isinailalim sa imbestigasyon ng Legal Service ng Police Regional Office-Cordillera Administrative Region ang mga pulis.
Nag-ugat ang kaso dahil sa pagkakakumpiska ng 15 kilong pinatuyong dahon ng marijuana noong Pebrero 13, 2008
Gayon pa man, lumilitaw sa imbestigasyon na pinalaya ng mga pulis ang mga suspek kung saan kinuha na lamang ang mga ebidensya at sasakyan Toyota Tamaraw FX (WPD 372) kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa grupo ni Robert Baluda. Joy Cantos