Mister kinatay ng manugang

LEGAZPI CITY, Albay – Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 65-anyos na mister ng kaniyang manugang na lalaki kahapon ng umaga sa Barangay Busdac, Bacacay, Albay. Nakilala ang  napatay na si Hilarion  Barcelon, 65, biyudo, samantala, sugatan naman si Tomas Vista matapos masabugan ng bomba na inihagis ng suspek na si Arnel Cabria, 25, ng Barangay Galicia, Rapu-Rapu, Albay. Kasalukuyang inimbestigahan ang naganap na pamamaslang habang tugis naman ang suspek na pinaniniwalaang lango sa droga. Ed Casulla

‘Tibo’ inutas ng ka-live-in

ANTIPOLO CITY, Rizal – Pinaniniwalaang selos ang isa sa motibo kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang sinasabing tomboy ng kanyang ka-live-in sa loob ng kanilang bahay sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi. Napuruhan ng apat na saksak ng patalim sa katawan ang biktimang si Juanita Comia ng Brgy. San Jose ng nabanggit na lungsod. Samantala, pansamantalang hindi isiniwalat ang pagkikilanlan ng suspek na ngayon ay tugis ng pu­lisya. Napag-alamang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magka-live-in hanggang sa humantong sa krimen. Edwin Balasa

Stude na-rescue sa kidnaper

CAVITE – Nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang isang 16-anyos na estudyante na dinukot bago tang­kang ibugaw ng drayber sa bayan ng General Trias, Cavite kamakalawa. Ang biktimang itinago sa loob ng apat na araw ay mag-aaral ng Carmona High School at residente ng Barangay Bangkal sa bayan ng Carmona, Cavite. Kalaboso naman ang suspek na si Arnel Ilumba, 40, ng Park Lane Subd. ng nabang­git na bayan. Sa pagsisiyasat ni SPO2 Ariel Panga­niban, dinukot ang biktima noong Martes (Sept. 23) ng hapon habang papasok ng eskuwelahan. Cristina Timbang

Kidnapping itinanggi

CABANATUAN CITY – Itinanggi kahapon ng isang 17-anyos na 2nd runner-up ng 2008 Binibining Gapan City ang napaulat na kinidnap siya noong Lunes (Sept 15) sa isang lugar sa bayan ng Abucay, Bataan. Ayon kay Charmane Santos, estudyante ng CRT College, at nakatira sa Barangay Sto. Cristo Norte, Gapan City, na kusa siyang sumama sa sinasabing suspek na si Russel Beriña, 23, dahil ito ay kanyang syota. Sinabi naman ni P/Supt. Villasis, na hindi nila makasuhan ang suspek na ngayon ay nakakulong dahil sa pagtangging maki­pagtulungan ni Charmane. Itinanggi naman ng suspek ang naunang ulat na may asawa siya kaya pinakaka­suhan ng mga kaanak ng biktima. Matatandaang napa­ulat na nailigtas ang biktima sa kamay ng suspek noong Huwebes ( Sept. 25) matapos mapaulat na nawawala noong Lunes (Sept. 15). Christian Ryan Sta. Ana

Show comments