Pulis binoga ng ex-pulis, patay

CAMP VICENTE, LIM, Laguna – Maagang nagwakas ang kinabukasan ng bagitong pulis makaraang mabaril ng retiradong pulis sa naganap na karahasan sa bayan ng Luc­ban, Quezon kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa ulo at dibdib ang biktimang si PO3 Dexter Apo­linar, 34, ng Maderal Compound, Barangay Balola, Luc­ban, Que­zon at nakatalaga sa Provincial Special Operations Group (PSOG). Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si ret. SPO1 Alejan­dro Anola, 52, ng nabanggit ding barangay.

Ayon sa police report, nasa mainitang pagtatalo si Anola at  Jojie Intal nang tangkaing awatin ni PO3 Apolinar bandang alas-10:45 ng gabi. Napag-alaman na nagalit si Anola sa pakikialam ni Apo­linar hang­gang sa mabaril ito ng retiradong pulis. Pormal naman kina­suhan ang suspek habang naka­ku­long sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Lucban. Arnell Ozaeta

Mag-ama todas sa ambus

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 51-anyos na retiradong sarhento ng Philippine Air Force at anak nitong binata ang iniulat na napatay makaraang tambangan ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki sa kahabaan ng highway sa Barangay Sampaga, Balayan, Batangas kamakalawa ng umaga. Kinilala ni P/Chief Inspector Romeo Baleros, hepe ng Balayan police, ang mag-amang ex-T/Sgt. Dionisio Villamin, at anak nitong si Andy Boy Villamin, 24, kapwa residente ng Barangay Talisay, Calatagan, Ba­tangas. Sa police report, sakay ng kanya-kanyang motor­siklo ang mag-ama nang ratratin bandang alas-10 ng uma­ga. Isinugod pa sa Don Manuel Lopez Memorial Hospital ang mag-ama pero idineklarang patay habang inaalam pa rin ng pulisya  ang motibo ng krimen. Arnell Ozaeta

20 tiklo sa illegal fishing

CAMARINES NORTE – Kalaboso ang binagsakan ng dalawampu-katao makaraang maaresto ng mga tauhan ng 503rd PNP Maritime Group sa operasyon ng illegal fishing sa mga bayan ng Vinzons, Jose Panganiban at sa Barangay Bagasbas sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ni P/Senior Insp. Renato R. Alfante, ay sina Onie Mancilla, Dennis Perante, Erwin Pascual, Romnick Varquez, Eduardo Bacar, Rico Mangcayang, Noel Demesi, Virgilio Abordo, Eugene Abordo, Philip Abordo, Dario Talento, Erwin Oreste, Juan Montes, Jeno Alteza, Ramil Rondo, Renz Arevalo, Lito Billarondo, Jenky Aguilar, Jojo Florendo at Joselito Aldana. Nasamsam sa mga suspek ang ilang gamit sa illegal fishing tulad ng dinamita. Francis Elevado

5 arestado sa droga

Lima-katao na pinaniniwalaang miyembro ng sindikatong nagpapakalat ng bawal na gamot ang nadakma ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang magkasunod na operasyon sa Baguio City, kamakalawa ng madaling-araw. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan habang nakakulong ay sina Mary Jane Espiritu, 21, ng Labrador, Pangasinan; Benjamin Abalos, 34, ng Baguio City; Joel Fallorin, 31, ng Itogon, Benguet; at si Jordan Luther Managdag, 23, ng Pugis, La Trinidad, Benguet. Sa ulat ni PDEA-CAR Special Operations Group chief, SPO4 Romeo Abordo, unang naaresto ang isang binatilyong suspek na may apat na paketeng shabu matapos na bumaba sa bus mula sa Maynila. Agad namang ikinanta ng binatilyo ang mga kasamahan sa sindikato hanggang sa maaresto ang iba pang suspek. Danilo Garcia

Show comments