CAMARINES NORTE — Tatlong sibilyan ang iniulat na nasawi habang walong iba pa ang nasugatan makaraang araruhin ng truck ang apat na kabahayan, tindahan at shade house sa Purok 3, Sitio Mineral, Barangay Talobatid sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Erwin Samonte, Amparo Salvador at si Herminia Espina.
Kabilang sa mga biktimang ginagamot sa Camarines Norte Provincial Hospital ay sina Joeffrey Absalon, Luis Cruz, Eugene Lagasan, Jocelyn Magana, Shiena Marie, Cedric, Gregorio Eleazar, Jeric Gadil, at si Raymong Espina.
Himala namang nakaligtas ang apat na buwang sanggol na si John Mel Dizon na natutulog sa likod ng tindahan.
May teorya ang pulisya na nakatulog ang drayber ng truck (RES397) na pag-aari ng GBI Trucking Services sa Quezon City at patungo sana sa bayan ng Daet mula sa Maynila.
Samantala, ayon kay P/Senior Insp. Nelson Ricerra, chief of police, bumaligtad naman ang payloader ni Jose Villafranca matapos tumulong sa pagbubuhat ng trak na sangkot sa sakuna.
Ayon naman sa mga residente, ang kawalan ng warning sign sa gilid ng Maharlika Highway ang isa sa dahilan ng sakuna.