MABALACAT, Pampanga – Dalawang vendor ang iniulat na namatay habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang masagasaan ng pampasaherong bus sa national highway na sakop ng Dau spillway sa Barangay Dau, Mabalacat, Pampanga kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Chief Insp. Jovencio Flores, hepe ng Mabalacat PNP, ang dalawang nasawi na sina George Florida Malasaga, 31 at Reynante Cuyos Villamor, 21, kapwa tindero at naninirahan sa Dau Ville sa Barangay Dau.
Malubha naman si Malicio Albarillo Florida, 43, ng Dau Ville na ngayon ay ginagamot sa Ospital ng Angeles sa Angeles City, Pampanga.
Napag-alamang sakay ng dalawang bisekleta ang mga biktimang papauwi nang mahagip ng Five Star Bus Liner na may plakang TVZ-830 na minamaneho ni Carlito Villacorta.
Ayon sa ulat, patungong Dagupan City ang nasabing bus nang hindi nakita ng drayber ang mga biktima dahil sa pagkasilaw sa kasalubong na sasakyan.
Kasong reckless imprudence and serious physical injuries ang kinakaharap ngayon ni Villacorta sa sala ng Provincial Prosecurtor’s Office.