CAMP VICENTE LIM, Laguna — Isang barangay secretary ang iniulat na kinidnap at hinoldap bago hinalay ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa Trece Martires City, Cavite kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Senior Inspector Panfilo Feranil, hepe ng Trece Martirez police, ang biktimang si Maridel Agpawa, 36, ng Barangay Labac sa bayan ng Naic, Cavite.
Sa salaysay ni Agpawa sa mga imbestigador ng pulisya, bandang alas-4:30 ng hapon, habang nakatayo sa harap ng isang fastfood chain sa nabanggit na lugar ay may humintong kulay itim na kotse at sapilitan siyang isinakay.
Hindi na nakapalag ang biktima nang tutukan ng patalim ng isang lalaki na may kataasan, maitim at may kulot na buhok at isakay sa kulay itim na kotseng hindi nakuha ang plaka.
Napag-alamang dinala ang biktima sa bayan ng Indang, Cavite kung saan ay magdamag na hinalay matapos limasin ang payroll money ng barangay na nagkakahalaga ng P155,000 at celfone.
Kinabukasan, ibinaba na lamang ng mga suspek si Agpawa sa bahagi ng Barangay Luciano sa bayan ng Trece Martires City kung saan siya nag-report sa himpilan ng pulisya.
Sa panayam ng PSN kay Capt. Feranil, inamin nitong may mga inconsistencies sa mga pahayag ng biktima kaugnay sa pagkakadukot at pagkawala sa dala-dala nitong pera.
“Sinabi kasi nito na kahit minsan ay hindi siya bumaba sa kotse para umihi, na nakapagtataka para hindi maramdaman ng isang anim na buwang buntis” ani Feranil.
Patuloy pa rin ang isasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa biktima upang makuha ang iba pang detalye ng pangyayari at ang identity ng mga suspek.