Baliw nag-amok: 10 patay, 18 grabe

CAMP CRAME — Ma­lagim na kamatayan ang sinapit ng sampung sibilyan na karamihan ay bata, habang 18 naman ang ma­lubhang nasugatan maka­raang mag-amok ang isang baliw na lalaki sa Barangay Gadgaran, Calbayog City, Eastern Samar kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga bik­timang pinagtataga at idi­neklarang patay sa St. Camillius Hospital ay na­kilalang sina Gemma “Baby”  Jadulco, 32; mga anak na sina Jennylyn Ja­dulco, 12; Jingoy Jadulco, 8; Renato Jadulco, 3; Na­dene Jadulco, 2; at Cristine Jadulco, 1; Edgardo Lecis, 35; Candido Conteras, 46; at Ericson Ponse, 7, na pawang mga residente ng Purok 4 ng nabanggit na barangay sa Calbayog City.

Ginagamot naman sa Calbayog Sanitarium Hos­pital, Saint Camilius Hos­pital at Calbayog District Hospital ay sina Benjie Ponce, 5; Marilyn Ponce, 3; Joan Jadulco, 4; Jocelyn Jadulco, 9; Danilo Con­teras, 12; Jennylyn Con­teras, 14; Michael Cabere, 3; Emily Guades, pinsan ng suspek; Manria Conteras, 37; Enis Lecis, 54;  Ben­janmin Ponce, 47; Fran­cisco Ramada, 56; Ernesto Ramada, 45; Armando Ramada, 35; Myra Man­lapid, 24; at ang mag-asawang Eddie at Jocelyn Gonzaga na sakay ng motorsiklo nang makasa­lubong ang suspek na si Danilo Guades, 39, sa junction road patungong Barangay Bontay.

Sa pahayag ni P/Chief Inspector Aniceto Tebobo­lan, hepe ng pulisya sa Cal­bayog City, kilala ang suspek sa kanilang ba­rangay na may kapansa­nan sa pag-iisip at kalimi­tang nasasangkot sa awa­yan sa kanilang komunidad bago pa maganap ang malagim na insidente.

Napag-alamang su­muko naman ang suspek bitbit ang matalim na bolo kay Fortunato Burbana na isa ring residente ng na­banggit na barangay.

Sa  inisyal na pagsisiya­sat ng pulisya, naitala ang insidente ganap na alas-2 ng madaling-araw kung saan unang pinasok ng sus­pek ang bahay ng kan­yang pinsang si Emily bago isinunod ang bahay ng pamilya Jadulco.

Nang mapatay na ang mga kaanak ay muling lu­ma­bas ng bahay ang sus­pek at nang makasalu­bong ang mag-asawang Gon­zaga ay pinagtataga nito hang­gang sa bumalik sa lama­yan at lahat nang nagla­lamay sa burol ni Teotime Ramada sa Purok 2 ay pi­nag­tataga.

Walo sa mga biktima ay agad na namatay habang ang dalawa naman ay na­sawi sa nabanggit na ospital.

Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na na­gawa nito ang krimen sa paniniwalang magbibigay ito ng ibayong lakas sa kanyang anting-anting na kung tawagin sa kanilang lugar ay Tahas. - Dagdag ulat ni Miriam Desacada

Show comments