Ambush: Anak ng mayor bulagta

CAMP OLIVAS, Pampanga — Bayolenteng kamatayan ang sumalubong sa anak na trader ng isang alkalde sa bayan ng Apalit, Pampanga makaraang ratratin ng mga hindi kilalang kalalakihan sa Sitio Pulong Kawayan, Barangay Sulipan ng nabanggit na bayan kahapon ng umaga.

Binistay ng bala ng M14 Armalite rifle ang kotse at katawan ng biktimang si Roy Lacanilao, 34, biyudo, negosyante at anak ni Apalit Mayor Tirso Lacanilao.

Base sa ulat na isinumite kay P/Chief Supt. Ismael Rafanan, director ng Police Regional Office (PRO) 3, dakong alas-7 ng umaga nang paslangin ang biktima habang nagmamaneho Mitsubishi Outlander (RBP-810) papauwi sa bahagi ng nabanggit na barangay.

Napag-alamang bumaba pa ang mga suspek sa kulay pilak na Toyota Vios at pinagbabaril ang biktima para makasigurong hindi na mabubuhay pa ang biktima.

Sa television interview kahapon ng umaga, sinabi ng ama ng biktima na hinihimok ng kanyang mga kaibigan ang kanyang anak na tumakbong alkalde kapalit niya sa puwesto sa susunod na eleksyon sa 2007 pero mariin niya itong tinututulan.

"Sa ngayon ayaw ko munang magbigay ng anumang konklusyon sa pagpatay sa aking anak, unfair naman kung may mga inosenteng tao na madamay sa kasong ito," pahayag pa ni Mayor Lacanilao.

Ayon pa kay Rafanan, masusing iniimbestigahan ang motibo ng krimen kung saan isa sa mga anggulong sinisilip ay ang hidwaan sa pulitika.

Magugunita na si Mayor Lacanilao ay kabilang sa grupo ng mga alkalde at lokal na opisyal na kumalas ng suporta sa Lakas-NUCD  para paboran ang Lakas- Kapampangan coalition ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo o ang Kabalikat ng Mamamayang Pilipino (Kampi) party.

Show comments