9 kidnappers timbog... Koreano na dinukot, nailigtas

Nasagip ng pinagsanib na mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Angeles City Police Station ang kinidnap na negosyanteng Koreano habang nasakote naman ang siyam na kidnappers kabilang ang anim na Tsinoy sa isinagawang rescue operation sa Clarkfield, Pampanga kamakalawa.

Kinilala ang nasagip na biktima na si Cho Chang Geung alyas James Jo, 40 anyos, may-asawa ng Vito Cruz, Leveriza, Malate, Manila.

Arestado naman ang mga suspek sa pangunguna ni Kent Huant; mga kasamahan nitong sina Chong Sao Ke, Tong Tai Feng, Ng Ing Cheng, Chen Chim Ping, Calvin Tan; pawang Chinese national at ang mga kasabwat nilang Filipino na sina Roel Manmano, Robert Manmano at Ricky Lumantad.

Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi ng lusubin ng mga awtoridad ang lugar na natukoy na pinagtataguan sa biktima sa #1330 Edenberg St., Fontana Leisure Hotel, Clarkfield ng lalawigang ito.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ang biktima ay kinidnap ng mga suspek noong Nobyembre 5 at itinago sa nasabing lugar dahilan umano sa pagkakautang nito sa naturang grupo ng mga Intsik ng mahigit P 1 M.

Agad na kinontak ng mga kidnapper na Tsinoy ang asawa ng biktima na bayaran ang kanilang pagkakautang at kung hindi ay papatayin nila ang bihag na Koreano na makunat umanong magbayad ng utang. Nangako naman umano ang mga suspek na palalayain ang biktima sa oras na mabayaran ang inutang nitong pera sa anim na dayuhang Intsik.

Nang mabatid ang insidente matapos isuplong ng asawa ng Koreano ay agad naglunsad ng rescue operations ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasakote sa siyam na kidnappers.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasakoteng suspek. (Joy Cantos)

Show comments