Union president tumba sa ambush

CALAMBA CITY – Tinambangan at napatay ng dalawang maskaradong lalaki ang isang union president ng bus company matapos na dumalo ng hearing sa regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Barangay Parian sa Lungsod ng Calamba kahapon ng tanghali.

Kinilala ang biktima na si Nemesio Aquino, acting president ng JAM Liner Employees Union-National Federation of Labor Unions.

Sa ulat ni P/Chief Superintendent Roland Bustos, Calamba City police chief, niratrat ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang biktima na manananghalian sana sa isang karinderya malapit sa DOLE office bandang alas-12:30 ng tanghali.

Naisugod pa sa Calamba Medical Center si Aquino, subalit namatay din ilang oras lang ang nakalipas dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa panayam ng PSN kay Bustos, lumilitaw na dumalo si Aquino sa hearing ng DOLE kaugnay sa inihain nitong graft cases laban sa dati nilang union president na si Bonifacio Gura dahil sa anomalya ng union’s fund.

Malawakang dragnet operation ang isinasagawa ng pulisya laban kay Gura na posibleng may kaugnayan ito sa pagpatay kay Aquino, na nuo’y binantaan na ng una na kanyang papatayin kung hindi iaatras ang kaso, ayon pa kay P/Supt. Bustos sa PSN. (Arnell Ozaeta)

Show comments