Sa salaysay ni Dick Garay, provincial reporter ng tabloid na Police Files Tonite at ng isang lokal na radio station, tinangka umano siyang dukutin ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng highway ng lungsod kung saan ay hinabol pa siya matapos na magtatakbo ng mga suspek.
Ayon kay Garay, naghihinala siyang mga hired goons ng mga maiimpluwensiyang personalidad na nasagasaan niya sa kaniyang column sa Police Files Tonite ang nasa likod ng bigong kidnapping.
Nabatid na ang tangkang pagdukot kay Garay ay naganap kamakalawa dakong alas-10:30 ng gabi habang naghihintay siya ng masasakyan pauwi sa kanilang tahanan sa tapat ng isang convenience store sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Halang, Calamba City.
Sinabi ni Garay na napansin umano niya ang isang kulay abong Toyota Hi-Ace na may plakang WGI-919 habang paparating ito sa lugar at ng pagtapat sa kaniya ay bumukas ang pintuan ng sasakyan kung saan ay tinangka siyang sunggaban ng tatlong mga armadong suspek na sakay ng van.
Naalerto naman ang biktima na mabilis na nakatakbo at sumakay sa dumaang pampasaherong bus na patungong bayan ng Sta. Cruz.
Gayunman, habang papauwi na siya sa kanilang tahanan sa bayan ng Pila ay muli niyang nakita ang Hi-Ace van ng mga suspek na tila inaabangan siya kaya nagkubli siya sa dilim at inabangan na makaalis na ang mga suspek. Matapos ang insidente ay nagtago na ang biktima. (Arnell Ozaeta)