DENR at SBMA nagkasundo sa ECC

SUBIC BAY FREEPORT –Isinakatuparan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang isang Memorandum of Understanding (MoU) na naglalayong higit na mapangalagaan at protektahan ang kalikasan sa loob ng nasasakupan ng Subic Freeport.

Pinangunahang lagdaan ang nasabing MoU kahapon nina DENR Sec. Mike Defensor at SBMA Administrator at Chief Executive Officer Alfredo C. Antonio.

Inihayag ng dalawang opisyal ang pangangailangan na mabuo ang mga hakbangin at alituntunin na titiyak ang commercial operations ng mga negosyo sa Freeport ay hindi makakasira ng kapaligiran.

Sa ilalim ng MoU, itinatadhana ang pagtutulungan ng dalawang ahensya sa pagsunod ng mga locators sa loob ng nasasakupan ng SBMA area sa Environmental Certificate Clearance (ECC) at pagpapatupad ng environmental standards.

Sinabi naman ni Antonio na ang naturang okasyon ay maituturing na konkretong manipestasyon ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang ahensya ng pamahalaan sa pangangalaga ng kalikasan. (Ulat nina Jeff Tombado at Angie dela Cruz)

Show comments