Sinaksak dahil sa telebisyon

Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang 51-anyos na misis makaraang pagsasaksakin ng sariling mister dahil lamang sa naisara ang telebisyon sa kanilang bahay sa Barangay San Rafael 3, Noveleta, Cavite, kamakalawa ng tanghali.

Maselan na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Rosalinda Callera ng Block 36 Lot 4 VFL Subdivision ng nabanggit na barangay, habang tinutugis naman ng mga tauhan ng pulisya ang suspek na si Ernesto Callera, 54, na kilala sa kanilang barangay na gumagamit ng bawal na gamot.

Napag-alaman kay PO1 Allen Padilla na kararating lamang sa sariling bahay ang biktima nang mapuna nitong walang nanonood sa bukas nilang telebisyon kaya isinara. Subalit biglang lumabas ang suspek mula sa kusina at pinagsasaksak na lamang ang biktima na pinaniniwalaang nainsulto sa ginawa ng kanyang misis. May teorya ang pulisya na nanonood ang suspek at sumaglit lamang sa kusina, subalit nagalit nang isarado ng biktima ang telebisyon. (Ulat ni Lolit Yamsuan)

Show comments