Latak ng shabu dumaloy sa kanal

CAMP CRAME – Positibo sa drug test ang dumadaloy na tubig sa kanal at maging sa mga airconditioning system mula sa ni-raid na mega-shabu laboratory na nakunan ng P1.3 bilyong halaga ng droga sa Brgy. Umapad, Mandaue City noong nakalipas na linggo.

Ito ang nabatid kahapon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7 Director Amado Marquez base sa resulta ng laboratory test ng mga dumating na dayuhang chemist sa pangunguna ng US expert sa bansa.

Nabatid na masusing sinuri ng mga banyagang chemists na kinabibilangan ng mga American, Japanese at Singaporean ang mga water samples sa lugar na napatunayang positibong nahaluan ng droga.

Sinabi ng opisyal na maliban sa mga airconditioning system ng laboratoryo ay kumuha rin ang mga dayuhang chemist ng sample ng tubig sa mga kanal at dito’y nabatid na positibo ito sa elemento ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu..

Dahil dito, hiniling ng mga lokal na opisyal sa Mandaue City sa PNP-Crime Laboratory na magsagawa ng pag-aanalisa sa tubig na dumadaloy sa Mactan Channel upang mabigyang ng proteksiyon ang publiko. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments